Speech

Ngayo'y narating na natin ang dulo ng paglalakbay
Wala akong maihahandog kundi ang ipinatutunghay
Na sana sa inyong lahat ay maging gabay
Sa panibagong mga tatahaking tagumpay
Sa isang mundo sa labas ng Pisay

Batch 2008, masaya'y nagpapasalamat ako't
napabilang ako sa inyo
Wala na akong ibang masasambit pa kundi
"Hanggang sa muli nating pagtatagpo.. "




Mga kagalang-galang na panauhing pandangal
Kalihim ng Kagawaran ng Agham at Teknolohiya, Dr. Estrella Alabastro
Executive Director, PSHS System, Dr. Filma Brawner
Deputy Executive Director, Dr. Monica Sabio
OIC at Director, PSHS – Main Campus, Dr. Jessamyn Yazon
CISD Chief, Dr. Juanita Cruz
SSD Chief, Attorney Aurora Perez
Mga puno ng pangkat pang-akademiko
Mga kapita-pitagang guro
Mga mahal naming ama’t inang naririto para sumaksi sa aming pagtatapos
Mga kapwa ko mag-aaral
Mga ginoo at binibini, kaibigan, magandang hapon sa inyong lahat!

Mapapansin natin sa loob ng ating kampus na ito na ang buwan kung kailan nag-umpisang maglagas ang kulay-kahel na talulot ng punong narra sa may likurang bahagi ng eskuwelahan. Ito na ang punto ng oras kung kailan itinakdang markahan ng pinal na eksaminasyon ang pagtatapos hindi lamang ng taong pang-akademikong ito, kundi pati na rin ng paglalakbay ng pulutong ng estudyanteng nasa aking harapan ngayon. Apat na taon ko nang nasaksihan ang paglagas ng talulot ng narra, ngunit sa pang-apat na pagkakataong ito’y naisulat na sa kasaysayan ang tuluyang pagtatapos ng aking pamamalagi sa eskuwelahang ito. Natapos na naman ang nabibilang na mga taon nang paghuhubog sa katauhan ng isang tao. At ngayon, nag-uumpisa nang muli ang pagtupad ng mga pangarap na nabuo sa nakaraang dalawang kambal na taon.
Isanlibo tatlong daan at siyamnapu’t apat na araw, isanlibo tatlong daan at siyamnapu’t tatlong gabi. Ito ang lumipas mula noong araw na tumuntong ako sa institusyong ito, wari’y nalunod sa pagtawid sa saklaw ng karagatan, mistulang makailang beses na nadapa sa mabatong parang, naputikan ng mga malulupit na katotohanan at karanasang nakalakip sa iisang buhay. Isandaan at apatnapu’t walong linggo, Tatlumpu at pitong mga buwan. Iyan ang nakalipas simula noong pinili ng mga mag-aaral na inyong natutunghayan ngayon na maglayag sa institusyong pinaniwalaan nilang perpekto - walang pinipili kundi ang pinakamagagaling, walang kinikilingan kundi ang katotohanan. Apat na taon na naman ang nakalipas – mula noong ang dalawandaan at apatnapung pinaka-katangi- tanging utak mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas ay nagtagpo sa iisang Philippine Science High School.
Hindi na kaila sa ating lahat ang mataas na kalidad ng edukasyon na naibahagi sa atin ng eskuwelahan. Minamani lamang ng mga mag-aaral dito ang pang-kimikang problemang istoikyometriko, na siya namang nagpapasakit ng ulo sa mga normal na gradweyt ng sekondaryang edukasyon. Sa larangan ng matematika nama’y napag-aralan na rito ang mga integral at deribatibo, na karaniwang itinuturo lamang sa pagsapit ng kolehiyo. Sa pisika, sa hindi pangkaraniwan nating pag-aaral ng pinakamodernong aspeto ng nasabing larangan, ay tinutularan na natin si Einstein sa pagtuwid at pagtutugma sa magkakasaliwang salik ng kalikasang pisikal. Sa pamamagitan naman ng bayolohiya’t pagsasaliksik ay nagkaroon tayo ng premiyerang aktuwal na pagsasanay sa mga kahaharapin natin sa ating pormal na pagpasok sa mundo ng agham ilang taon mula ngayon.
Binabati kita, Philippine Science High School, pagkat ika’y nagtagumpay sa amin – nakuha mo kaming akitin apat na taon na ang nakakaraan upang tahakin ang iyong makamandag na hamon, at narito naman na kami, ang dalawandaan at dalawampu’t apat mong mag-aaral, na kahit mistulang naghikahos at patuloy na naghihikahos sa aming lubos na pagkakakilala sa iyo ay ngayo’y bubuhayin naman ang pilosopiya mong itatag at pamunuan ang ating bansa sa larangan ng agham at sa nalalapit na panahon. Salamat, Philippine Science High School, dahil hindi lamang ikaw ang nagtagumpay kundi pati na rin ang mamamayang Pilipino na malapit nang makinabang sa rebolusiyonaryong pagbabagong dadalhin namin sa kinabukasan. At alam ko namang ikaw na rin ang naging saksi sa pagpapatunay ng aking mga isinasaad ngayon – nakita mong umusbong pa mula sa pulutong ng dalawandaan at dalawampu’t apat na nasa iyong harapan ang ilan pang piling pagkataong nakikini-kinita mo nang higit pa sa pagbabago ang dadalhing lunas sa sakit ng haharaping panahon. Ikaw na mismo ang nakatunghay sa agarang tagumpay ng iyong mga mag-aaral sa piling prestihiyosong kumpetisyon, hindi lamang dito sa iyong bansa, kundi pati na rin sa mga bansang banyaga. Ikaw na mismo ang nakatunghay sa ninamnam mo rin namang pagpupunyagi ng iyong mga mag-aaral na ipakita ang dulong saklaw ng ekselensiya nang sa gayon ay mapatunayang tunay na hindi nasasayang at natatalo ang kaban ng bayan na siyang dugo ng iyong eksistensiya. At pinakahuli, ikaw na rin ang umani’t lumasap ng tamis ng taguri ng mataas na proporsiyon ng pagpasa ng iyong mga mag-aaral sa primera-klaseng unibersidad, kung saan maging ang Unibersidad ng Pilipinas ay hindi naging eksento sa pananaig ng natatanging katalinuhang iyong hinasa’t ikinaloob sa dalawandaan at dalawampu’t apat na ipinakikilala mo bilang iyong anak.
Ngunit ano nga ba ang sukatan ng tagumpay ng isang tao? Ito ba ay sa lawak ng yaman na kaniyang maibubulsa? Ito ba ay sa bilang ng titulo na itataguri sa kaniya? O sa dami ba ng eksaminasyon na kaniyang ipinasa? Ipagpatawad mo, Philippine Science High School, pagkat ang sagot ay hindi – pagkat ang salapi’y di nakabibili ng pagkatao – pagkat ni sa alaala’y di tumatatak ang gawad at titulo – pagkat madaling nalilimutan ang iyong mga prestihiyo. Ang tunay na sukatan ng pagiging isang tao ay ang tamang paghubog ng kaniyang katauhan, at ang tagumpay nito ay humihigit sa kahit anong salapi, sa kahit anong prestihiyo, sa kahit anong taguri, sa kahit anong titulo. Ang tagumpay ng isang tao ay hindi kailanman sapat na mailalahad ng anumang dokumento. Nilalampasan nito ang kahit anong batas, at tumatagos ito sa anyo ng kaluluwa na pinakamataas, sa pagtanggap sa bawat pagkakamali, sa pagpapatawad at paglimot, sa pagmamahal at pagtulong sa kapwa, sa pagtalos at pagtingin sa mukha ng Diyos.
Para saan pa ang iyong pagkatuto ng ekonomiks, kung hindi mo maisasaloob and di pantay-pantay na pagkakabahagi ng iyong yaman – sa bawat pulubing nakikitang kumakatok sa iyong sasakyan, sa bawat hamak na sa kalye ay nasasagasaan. Para saan pa ang iyong pagkaturo ng matematika, kung hindi mo kayang likhain ang ekwasiyon na pagkakasiyahin ang tatlong daan at dalawampu’t limang piso sa isang araw ng naghihikahos, kung sa iyong utak ang hindi pagkaubos ng panindang dyaryo ay hindi mo natatalos, kung hindi mo nabibilang ang taong sa lipunan mo ay nakagapos. Para saan pa ang bayolohiya’t kimika, kung hindi mo pamumunuan ang sintesis ng isang medisina, kung ang sakit ng iyong lipuna’y kaila pa rin sa iyong mga mata. Para saan ang agham panlipunan, kung ang pagkakamali ng nakaraan ay hindi mo pa rin natututunan. Para saan na ang Kartilya ng Katipunan ay sa utak mo’y ipinagkaloob, kung sa puso’t kaluluwa mo’y ito’y hindi isinaloob. Para saan pa ang iyong kiksotikong pananaw ng buhay, kung di mo ihahandog ang para sa kanila’y, kung ang paghinga nila’y umikot sa malupit mong mga kamay. Para saan ka, kung ang pagtulong ay hindi laan sa kanila.
Humigit kumulang apatnapung pulutong na ng mga estudyante ang iyong naipagtapos. Ngunit sa pagtatagumpay ba ng iyong pilosopiya’y ang iyong hangarin ay naipupuyos? Ambisyon, salapi, sarili, prestihiyo, titulo – nasa utak ng karamihan ng mga hinamon mo. Ngayo’y sino ang masisisi sa mga pangyayaring ito? Sila ba na naglayag sa mapanganib mong estuariyo? O ikaw – rekognisyon, kasiyahan, apat na taon, pagkabata, inosensiya, ideyalismo na inagaw mo. Kalabisan na sa habag na estudyante na talakayin pa ang iyong mga kakulangan.
Pagkatapos ng lahat, lubos ko pa ring pinasasalamatan ang Philippine Science High School sa apat na taong paghubog sa akin, di lamang sa walang kapantay na edukasyon, kundi pati sa mga naibahagi sa labas ng apat na sulok ng silid-aralan. Totoong kinailangan ko ang diploma mo, O ikaw na nasa taluktok ng dunong at talastas, ngunit mas kinailangan kita bilang totoo’t walang pagbabalatkayo, bilang patas, bilang taas-noo. At sa layuning ito’y pinasasalamatan ko kayo, mga guro na sa dunong at integridad ay di kinapos. O minamahal kong Philippine Science High School, narito ang dalawandaan at dalawampu’t apat mong anak na nagsisipagtapos. Tanggapin mo ngayon ang hamon na sa iyo’y ipinatatalos. Bumangon ka muli't patunayan mo sa amin ang busilak na pagkakakilala sa iyo! Pangako naman namin sa iyo'y babalik upang bawiin kung ano ang ipinagkait mo.
Ayaw ko nang ulit-ulitin pa ang mistulang gasgas na linya na ang pagtatapos na ito ay nangangahulugan ng isang panibagong simula. Dahil para sa akin, ang pagtatapos na ito ay nangangahulugan ng isang pagbabalik. Sampung taon mula ngayon, babalik ako para tiyakin na matayog at matatag pa rin ang puno ng narra sa likurang bahagi ng eskuwelahan. Babalik ako’t pagmamasadan ko ang muling paglaglag ng iyong mga talulot. O puno ng narra, hanggang sa muli nating pagkikita. At sa inyo, mga ginoo’t binibini, mga kamag-aral kong magsisipagtapos, magandang hapon muli.


cruiseline in culinary arts, sa lyceum of the philippines university\
[email protected]

Speech 9.8 of 10 on the basis of 3795 Review.